Recent Posts

Breaking News

DOLE sasaklolohan mga mawawalan ng trabaho sa ABS-CBN – Roque

Tutulungan ng gobyerno ang mga manggagawa ng ABS-CBN na mapapabilang sa retrenchment matapos magsara ang operasyon ng network dahil sa kawalan ng bagong prangkisa.

Sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque na nakausap niya si Labor Secretary Silvestre Bello III at maglulunsad aniya ito ng one-stop center para sa mga naghahanap ng trabaho sa Metro Manila at sa mga mawawalan ng trabaho sa ABS-CBN.

“Tinawagan ko po si Secretary Bello. Magkakaroon siya ng one-stop shop center sa NCR at para sa ABS-CBN para makapag-apply ang mga mare-retrench na empleyado ng ABS-CBN,” ani Roque.

Pero nilinaw ni Roque na hindi ito eksklusibo sa mga matatanggal sa ABS-CBN kundi para ito sa lahat ng mga naghahanap ng trabaho.

Bukod sa one-stop shop ay magkakaroon din aniya ng job fair ang DOLE para sa lahat ng mga naapektuhan ng COVID crisis sa bansa.

“Magkakaroon din siya ng job referral system, baka magkaroon din ng parang job fair. Ito ay para bigyan ng pagkakataon ‘yung mawawalan ng trabaho sa ABS-CBN but it would be open to everyone, hindi lang sa ABS-CBN,” dagdag ni Roque.

Bukod sa mga mawawalan ng trabaho sa ABS-CBN, may mga kumpanyang nauna nang nag-abiso sa DOLE na magsasara na nang tuluyan matapos maapektuhan sa ilang buwang tigil-operasyon matapos ang ipinatupad na enhanced community quarantine sa bansa.



Source: Abante (http://tnt.abante.com.ph/dole-sasaklolohan-mga-mawawalan-ng-trabaho-sa-abs-cbn-roque/)

Walang komento