Recent Posts

Breaking News

COVID case sa `Pinas higit 56K na – DOH

Ipinaliwanag ng Department of Health (DOH) na hindi sila nakapaglabas ng update hinggil sa coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa bansa nitong araw ng Linggo, Hulyo 12, dahil sa malaking volume ng mga datos na pumasok sa kanila mula sa ibat ibang local government units (LGU).

Sa ginanap na virtual briefing Lunes ng umaga, sinabi ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire na nakapagtala ang DOH ng bagong 2,124 kaso dahilan para umabot na sa 56,259 ang kabuuang bilang ng mga nagpositibo sa COVID-19.

“As of 8AM today, July 13, 2020, the Department of Health reports the total number of COVID-19 cases at 56,259 for July 12,” ani Vergeire.

Nakapagtala naman ng karagdagang 162 na namatay kung kaya’t mabot na sa 1,534 ang kabuuang bilang ng mga pumanaw dahil sa COVID-19 sa Pilipinas.

Ipinaliwanag ni Vergeire na hindi namatay ang nabanggit na bilang sa loob ng isang araw lamang. Mga `late’ na aniya nang pumasok sa kanilang datos ito.

Sinabi ni Vergeire na ang mga namatay ay noong Abril (1), Mayo (20), at Hunyo (90).

“Ayon sa ating datos, out of 162 [deaths], 51 lang ang nangyari nitong July. The rest of yesterday’s reported deaths nagmula sa June, karamihan with 90 or 56%, sa buwan ng Mayo, with 20 or 12%, at sa Abril, kung saan nakapagtala tayo ng isang bilang at 1%,” ayon kay Vergeire.

Iniulat din ni Vergeire na ang 99 o 61% ng mga naturang bilang ng namatay ay mula sa Region 7; 37 o 23% sa National Capital Region (NCR); anim o 4% sa Region 3; tatlo o 2% sa Region 4-A; dalawa o 1% sa Region 8; dalawa o 1% sa Region 9 at isa o .62% sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).

Nilinaw ni Vergeire na pababa pa rin ang trend ng mga namamatay dahil sa COVID-19 pandemic sa bansa ngunit hindi aniya dahilan ito upang hindi na tayo mabahala at maging kampante na lamang. Kailangan pa rin aniya ang masusing pag-iingat para makaiwas na mahawa ng COVID-19.

Kaugnay nito umabot naman sa 2,009 ang mga bagong nakarekober sa COVID-19 kaya nasa 16,046 na ang kabuuang bilang ng mga gumaling sa naturang sakit.

Ayon kay Vergeire, ang mataas na bilang ng kaso, nasawi at mga gumaling sa COVID-19 ay dahil sa `reconciliation efforts’ng DOH katuwang ang mga lokal na pamahalaan.

Nakipag-ugnayan aniya ang DOH sa mga LGU para sa mas maayos na pag-uulat ng mga datos sa COVID-19.

Nabatid na inaasahan pa ang pagtaas ng mga kaso ng COVID-19 dahil sa mabilis na pagpasok ng mga datos mula sa iba’t ibang lugar.



Source: Abante (http://tnt.abante.com.ph/covid-case-sa-pinas-higit-56k-na-doh/)

Walang komento