Recent Posts

Breaking News

Bagong Anti-Terrorism Law kailangan pa ng IRR – Esperon

Hindi pa kaagad maipatutupad ang bagong batas kontra terorismo na nilagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Ayon kay National Security Adviser Secretary Hermogenes Esperon Jr., kailangan pa nilang bumuo ng Implementing Rules and Regulations (IRR) hinggil sa implementasyon ng Republic Act No. 11489 o Anti-Terrorism Act of 2020.

Magpupulong aniya ang Anti-Terrorism Council para talakayin ang IRR ng anti-terrorism law.

“Una, pag-uusapan ang pag-review ng signed law para magkaintindihan kami lahat. Pangalawa ay ang crafting ng IRR ng batas. Kailangan din nito ng progreso. Kailangan bago makapag-aksyon patungkol sa mga isinasaad ng bagong batas ay kailangan gumawa muna tayo ng implementing rules and guidelines na kailangang isumite sa Kongreso,” paliwanag ni Esperon.

Binigyang-diin ni Esperon na malaking bagay para sa seguridad at kapayapaan ng bansa ang pagpapatibay sa bagong batas kontra terorismo.

“Itong batas na ito ay talagang kailangan natin. `Wag natin kakalimutan ang mga nakaraan na pangyayari na gawa ng mga terorista,” ani Esperon na binalikan ang mga alaala ng terroristic act na naganap sa bansa.

Inamyendahan ng bagong batas na ito ang RA 9372 o Human Security Act of 2007 para palakasin pa ang kampanya kontra terorismo sa bansa.



Source: Abante (http://tnt.abante.com.ph/bagong-anti-terrorism-law-kailangan-pa-ng-irr-esperon/)

Walang komento