Recent Posts

Breaking News

Albay dumami pa ang nag-enroll

Inasahan na ng Department of Education na mababawasan ang bilang ng mga mag-eenroll ngayong taon, habang may coronavirus pandemic.

Ayon kay Education Undersecretary Revsee Escobedo, ito’y dahil may mga magulang na nawalan ng trabaho o natatakot na mahawa sa COVID-19 ang kanilang anak kung papasok sa paaralan.

Nagkatotoo nga ito, nang iulat ng DepEd na sa pagtatapos ng enrollment period ngayong taon, 20.5 milyong mag-aaral lang ang nag-enroll mula kindergarten hanggang senior high school.

Kumpara ito sa 27.2 milyong enrollee noong nakaraang taon.

Pero iba ang Albay sa Bicol Region: bukod sa naabot ng mga public high school doon ang kanilang target na bilang ng mga mag-eenroll, nalampasan pa nila ang bilang ng mga nag-enroll doon noong 2019.

“[This] is an indication that they (parents and students) value education,” wika ni Albay DepEd division superintendent Norma Samantela, sa isang ulat.

Umabot sa 1.52 milyon ang enrollee sa naturang rehiyon ngayong taon.

Nakatakdang magsimula ang mga klase sa bansa sa Agosto 24, kung saan karamihan ay isasagawa via distance learning o gamit ang internet, radio show, educational television o mga printed module sa bahay.

Samantala, sinabi ni DepEd Secretary Leonor Briones na pinag-iisipan nila kung papayagan ang mga limitadong face-to-face class sa mga lugar na “low risk” para sa coronavirus infection.



Source: Abante (http://tnt.abante.com.ph/albay-dumami-pa-ang-nag-enroll/)

Walang komento