Recent Posts

Breaking News

AFP chief sa mga commander: Kalmahin mga tao niyo

Pinayuhan na ni Armed Forces of the Philippines (AFP) chief of staff Gen. Felimon Santos Jr. ang kanyang mga commander na bilinan ang kanilang mga sundalo na huwag ng gumanti sa mga pulis hinggil sa pagkamatay ng apat na kasamahan sa Jolo, Sulu.

“Bukod sa agad na tagubilin ng ating AFP chief of staff, si General Felimon Santos Jr., upang ang mga commander ay kanilang paalalahanan ang ating mga kasamahan na hindi po tamang gawin ay ang gumanti, sapagkat alam naman po natin na antimano ay nag usap na ang AFP chief at PNP chief na magkaroon ng isang malaliman, indipendyente at malalimang imbestigasyon ang NBI upang sa ganun ay malaman talaga natin ang tunay na nangyari at mabigyan ng hustisya ang mga pagkakapaslang ditto sa ating mga kasamahan,” pahayag ni AFP spokesperson Maj. Gen. Edgard Arevalo sa panayam sa DZBB, Linggo ng umaga.

Ang pahayag ni Arevalo ay hinggil sa tanong kung may namumuo pang tensyon sa pagitan ng mga pulis at sundalo dahil sa pagkakapatay ng apat na operatiba ng Philippine Army noong Hunyo 29 sa Jolo matapos pagbabarilin ng mga pulis habang nagsasagawa ng intelligence operation laban sa dalawang suicide bomber na mga miyembro ng Abu Sayyaf.

“Alam natin na meron tayong mga damdamin at nauunawaan natin ‘yon, lalong-lalo na ‘yong mga kaanak nitong namatay at ito mismong kasamahan sa unit nitong napatay na mga sundalo but be that as it may being mga matured and professional military personnel, ang tagubilin po sa atin ng AFP chief of Staff na hayaang gumulong ang hustisya,” dagdag pa ni Arevalo.

Matatandaang noonhg Biyernes ng gabi ay nagsalita na si Pangulong Rodrigo Duterte sa Zamboanga City at pinayuhan nito ang mga sundalo na kumalma sa pagkamatay ng kanilang apat na kasamahan.



Source: Abante (http://tnt.abante.com.ph/afp-chief-sa-mga-commander-kalmahin-mga-tao-niyo/)

Walang komento