Recent Posts

Breaking News

3 NPA dedo sa engkuwentro

Patay ang tatlong miyembro ng New Peoples Army (NPA) matapos ang naganap na engkwentro laban sa awtoridad na magsisilbi sana ng warrant of arrest sa mga most wanted person Linggo ng madaling araw sa Mobo, Masbate.

Inaalam pa ng pulisya ang pagkakakilanlan ng mga napatay na suspek na ngayon ay dinala na sa morgue sa nasbaing bayan, habang 3 baril, magazine, limang improvised explosive device, at mga granada ang nasamsam ng pulisya sa nasabing labanan.

Sa ulat na ipinadala ni Police Major Ma. Luisa Calubaquib nitong Lunes, naganap ang engkwentro dakong alas-4:00 ng madaling araw sa Barangay Bagacay, Mobo, Masbate kung saan nilusob ng pinagsamang puwersa ng Masbate PPO, Mobo Municipal Police Station (MPS), Special Action Force (SAF) ang nasabing lugar upang isilbi ang warrant of arrest laban kina Alex Macadat na may kasong rape; Norman Rapera na may kasong murder; Rico Nunez, na may kasong Murder; at Joseph Lalaguna, na may kasong multiple attempted murder at murder, ang mga nasabing suspek ay pawang mga miyembro ng NPA na nakatira sa nabatid na barangay.

Subalit hindi pa masyadong nakakalapit ang awtoridad sa target na bahay ay agad na silang pinaulanan ng bala ng mga kalaban dahilan upang sumiklab ang labanan sa pagitan ng dalawang grupo.

Tumagal ang palitan ng putok ng may 50 minuto bago nagkanya-kanyang takas ang mga suspek sa ibat-ibang direksyon.

Bagamat hindi nakuha ang mga target na wanted persons ay tatlong miyembro naman ng NPA ang nasawi sa labanan habang posibleng marami pa ang sugatan sa mga tumakas dahil sa dami ng bakas ng dugo na naiwan sa labanan.

Patuloy naman ang ginagawang hot pursuit operation ng pulisya laban sa mga tumakas na mga suspek.



Source: Abante (http://tnt.abante.com.ph/3-npa-dedo-sa-engkuwentro/)

Walang komento