Recent Posts

Breaking News

1.5K alkalde tinutulak Cha-cha

Bilang suporta sa panawagan ni Pangulong Rodrigo Duterte na amiyendahan ang Konstitusyon, kabuuang 1,488 municipal mayor ang nilalarga ang dalawang constitutional reform sa harap ng pandemya.

Sa isang pahayag, sinabi ni DILG Undersecretary Jonathan Malaya na nagpasa ng resolusyon ang mga kasapi ng League of Municipalities of the Philippines (LMP) para sa Charter amendments.

Sinabi roon ni Narvacan, Ilocos Sur Mayor at LMP national president Chavit Singson na gustong i-institutionalize ng mga alkalde ang “Mandanas ruling” ng Korte Suprema sa Konstitusyon, at alisin ang mga paghihigpit sa foreign investment sa mga industriyang kasalukuyang limitado sa mga Pinoy.

Sa ilalim ng Mandanas ruling, sinabi ng SC na kabilang ang lahat ng mga national tax sa pagkukuhanan ng internal revenue allotment para sa mga lokal na gobyerno, at hindi lang ang mga nakokolekta ng Bureau of Internal Revenue.

Sakaling ma-institutionalize ang Mandanas ruling, ayon kay Singson, matitiyak na magkakaroon ang mga rehiyon ng “continuous fair share” sa mga buwis na kinokolekta ng pambansang gobyerno.

Samantala, minungkahi rin ng LMP resolution ang pag-alis ng mga constitutional restriction sa foreign investment sa “ilang industriya,” na hindi naman tinukoy sa pahayag ng DILG.

Ayon kay Singson, naniniwala umano ang mga alkalde na makatutulong sa kani-kanilang nasasakupan ang pagpayag ng majority ownership ng mga dayuhang investor sa ilang lokal na kompanya.

Hindi naman sinaad sa pahayag ng DILG kung kailan ipinasa ng mga alkalde ang resolution at kung kailan nila gustong maamiyendahan ang Konstitusyon.

Malugod namang tinanggap ng gobyerno ang hakbang ng mga alkalde, ayon kay Malaya, dahil ang mga lokal na opisyal umano ang nakaaalam ng totoong lagay sa mga komunidad.



Source: Abante (http://tnt.abante.com.ph/1-5k-alkalde-tinutulak-cha-cha/)

Walang komento