Recent Posts

Breaking News

Roque tikom ang bibig sa panawagan para mag-resign si Duque

Ayaw makialam ng Malacañang sa lumalakas na panawagan para magbitiw o magbakasyon muna si Health Secretary Francisco Duque III, dahil sa mga kinakaharap na kontrobersiya kaugnay sa pangangasiwa niya sa COVID-19 crisis.

Sinabi ni Presidential Spokesperson Harry Roque na dapat idirekta ng mga tao kay Duque ang kanilang daing sa halip na Palasyo ang kalampagin.

“’Yang mga panawagan sa kanyang pagbibitiw, panawagan sa kanya na mag-leave, eh hindi po dapat sagutin ‘yan ng Palasyo dahil ‘yan ay nakadirekta kay Secretary Duque. Siya ang magdedesisyon diyan. ‘Yan ay mga desisyon na personal,” wika ng tagapagsalita.

Malinaw naman aniya ang naging pahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte na patuloy itong nagtitiwala sa kalihim.

Matatandaang sa kanyang mensahe sa bayan noong Lunes, sinabi ng Pangulo na hindi siya naniniwalang sangkot sa korapsiyon si Duque dahil mayaman umano ito at ang pamilya nito ay nagmamay-ari ng ospital at paaralan sa Pangasinan.

Nahaharap ngayon sa kontrobersiya ang kalihim at iniimbestigahan ng Ombudsman kaugnay sa 100,000 na COVID-19 test kit, delay sa pagbibigay ng benepisyo sa mga health frontliner na tinamaan ng COVID-19, at delay sa pag-report ng mga kaso kaugnay sa novel coronavirus.



Source: Abante (http://tnt.abante.com.ph/roque-tikom-ang-bibig-sa-panawagan-para-mag-resign-si-duque/)

Walang komento