Recent Posts

Breaking News

Robredo: Jeepney phaseout ‘wag ipilit sa COVID pandemic

Nanawagan si Vice President Leni Robredo sa mga kawani ng Department of Transportation (DOTr) at Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na mahabag sa mga tsuper ng lumang jeepney na sa ngayon ay hindi pa pinapayagang makabiyahe.

Ayon kay Robredo, kung ngayon ipipilit ang jeepney modernization para ma-phase out ang mga lumang jeepney ay mahihirapan lamang makapagproseso ang mga tsuper dahil na rin sa nararanasang COVID-19 crisis ng bansa.

Giit pa ng Bise Presidente, tila pinapaboran ng dalawang ahensya ang mga mayayaman na kaya agad makakuha ng mga modernized jeepney kaysa doon sa mga hikahos sa buhay.

“Sana mas maging compassionate iyong LTFRB dito, iyong DOTr, na okay naman na gawin iyong modernization ngayon, pero siguruhin na wala namang maiiwan…. Paminsan kasi ang tingin kaagad, iyong hindi nagko-comply, kasi matigas iyong ulo. Hindi iyan nagko-comply kasi walang pang-comply,” saad ni Robredo sa kanyang radio show na BISErbisyong Leni.

Giit ni Robredo, kung talagang nais ipatupad ang pag-modernize ng jeepney ngayon ay dapat na siguraduhin na may ibibigay na tulong sa mga tsuper ng traditional jeepney.

“Hindi siya makatarungan… Kaya nga hindi magkandaugaga sa kanilang kabuhayan kasi walang-wala. Eh kung ngayon ipipilit iyong modernization, siguraduhin lang na iyong mga walang capacity, matulungan,” aniya pa.

Sa ngayon ay pinayagan na makabiyahe ang mga modernized jeepney kung saan 15 ruta ang pinayagan, ngunit nanatiling bawal pa rin mamasada ang mga lumang jeep.



Source: Abante (http://tnt.abante.com.ph/robredo-jeepney-phaseout-wag-ipilit-sa-covid-pandemic/)

Walang komento