Recent Posts

Breaking News

Para sa condo: 54 puno sa Baguio sinibak ni Villar

Pinutol ng property company ni bilyonaryo Manny Villar ang 54 pine tree sa Outlook Drive village sa Baguio City.

Wika ni Mayor Benjamin Magalong, naglabas ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) ng Permit No. SPLTP No. CAR-58-2020 noong Mayo 4 para sa Vista Residences Inc. na pinahihintulutang tabasin ang 53 Benguet pine at isang Norfolk pine sa Purok 3, Outlook Drive.

Magbibigay-daan ito para sa isang building construction project.

Ayon sa records ng DENR-CAR, nag-apply ang kompanya para sa special private land timber permit noong 2018. Kumuha ito ng Environmental Clearance Certificate (ECC), barangay certificate, at mayor’s clearance.

Pinabawasan din ang mga puputuling puno ng kompanya, at sumang-ayon ang property owner sa hiling ni Magalong na mula 100 ay gawing 200 ang itatanim na punla sa kada sinibak na puno.

Samantala, hiniling ng asawa ni Villar na si Senador Cynthia Villar na bawiin ng DENR ang ECC na pinagkaloob sa 320-ektaryang Bacoor reclamation project sa Cavite.

Wika ng senador, na pinuno ng Senate committee on environment, posibleng masira ng proyekto ang Las Piñas-Parañaque Wetland Park na dineklarang protected area, at maaaring magdulot ng malalang pagbaha sa mga komunidad sa paligid ng Manila Bay.



Source: Abante (http://tnt.abante.com.ph/para-sa-condo-54-puno-sa-baguio-sinibak-ni-villar/)

Walang komento