Recent Posts

Breaking News

Pangilinan sa LGUs: Ani ng magsasaka, bilhin!

Hinikayat ng Senador Francis Pangilinan ang mga local government unit (LGU) na bilhin ang mga ani ng masasaka para kumita ang mga ito at hindi masayang ang kanilang pinaghirapan.

Ginawa ni Pangilinan ang panawagan matapos mapaulat na tinatapon lang ng mga magsasaka ang nabulok nilang mga ani sa Ifugao at Nueva Vizcaya.

“Nakakalungkot at nakakaalarma ito dahil hirap na nga ang mga magsasaka bago pa ang pandemya, nababawasan pa ang kanilang kita,” sabi ng senador.

“Bukod sa kailangang matulungan sila na magkaroon ng tamang storage at iba’t ibang kasanayan sa canning o bottling, dapat ding siguruhin na mayroong market ang kanilang mga ani,” dagdag niya.

Paliwanag niya, sa ilalim ng Sagip Saka Law, hindi kailangang dumaan sa mabusisi at matagal na proseso ng procurement ang pagbili sa kanilang ani.

Direkta umanong mabibili ng mga LGU, sa pamamagitan ng negotiated procurement, ang sobra-sobrang ani upang hindi masayang at madagdagan ang kita ng mga magsasaka.

Nauna nang sinabi ni Agriculture Secretary William Dar na sa unang pagkakataon, umabot ng mahigit P2 billion ng mga gulay at prutas na direktang binili ng mga LGU mula sa mga magsasaka habang ECQ.

“Ginamit nila ito para isama sa mga relief goods na ipinamigay sa kanilang mga kababayan. Kailangang magpatuloy ito at masigurong may tiyak na bibili ng ani ng ating mga magsasaka,” ayon kay Pangilinan.

“Patuloy ang pakikipag-ugnayan ng aming tanggapan sa mga magsasaka at kooperatiba upang matugunan ang problemang ito,” sabi pa nito.



Source: Abante (http://tnt.abante.com.ph/pangilinan-sa-lgus-ani-ng-magsasaka-bilhin/)

Walang komento