Recent Posts

Breaking News

Paglipat ng DTTB sa Cebu, inangalan

Inangalan ng dalawang batch ng Doctors to the Barrios (DTTB) ang direktiba ng Department of Health (DOH) na ipadala sa Cebu ang kanilang hanay para tumulong sa paglaban sa COVID-19 pandemic.

Kinondena ng Batches 36-ALAB at 37-MANDALA ang direktiba dahil ang mga ipinull out na doktor ay hindi man lamang sinulatan, walang konsultasyon na isinagawa, walang detalye ng guidelines at protocol para sa proteksiyon ng mga doktor, at taliwas umano ito sa programa ng DTTB.

Ang kawalan umano ng kaukulang tamang komunikasyon para sa isang temporary assignment ng isang rural health physicians na nagsisilbi sa isang Geographically Isolated and Disadvantaged Areas (GIDAs) para magsilbi sa isang pribadong hospital sa Cebu ay malinaw umanong paglabag sa Magna Carta of Public Health Workers.

Gayundin, sa reassignment ng DTTB sangkot pa rin dito ang Local Government Units (LGIs) na kanilang pinaglilingkuran alinsunod sa Memorandum of Agreement kaya dapat na magkaroon ng kaukulang konsultasyon bago sana nag-isyu ng direktiba.

Sanhi ng walang isinagawang konsultasyon, nabigo ang DOH na magkaloob ng malinaw na protocol para mabigyan ng proteksiyon ang mga doktor na pansamantalang magkakaloob ng serbisyo sa pribadong hospital.

Wala umanong malinaw na impormasyon kaugnay sa kaligtasan ng DTTBs at posibleng maabuso ng pribadong institusyon ang serbisyo ng mga doktor dahil sa kawalan ng guidelines.

Bukod pa rito, ang Doctors to the Barrios Program ng Department of Health na nilikha noong 1993 para matugunan ang kakulangan ng mga doktor sa rural communities, partikular na sa Geographically Isolated and Disadvantaged Areas.

Ang pagtanggal sa kanila sa munisipalidad na kanilang pinaglilingkuran ay nangangahulugan ng paglakait ng healthcare service sa libu-libong mahihirap na Filipino.

Juliet de Loza-Cudia



Source: Abante (http://tnt.abante.com.ph/paglipat-ng-dttb-sa-cebu-inangalan/)

Walang komento