Recent Posts

Breaking News

P100K tax credit ibibigay ni Isko sa mga hotel, inn, apartelles at lodging house na tumulong sa frontliners

Pagkakalooban ng P100,000 tax credit ni Manila Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso ang lahat ng hotels, motels, inns, aparetelles,at lodging houses na tumulong ‘kumupkop’ sa frontliners na lumalaban sa COVID-19.

Sa kanyang unang directional meeting sa pagitan ng heads ng bureau, department at offices, ang pagbibigay ng P100,000 tax credit ay simpleng ‘token’ na ibinigay ng lokal na pamahalaan ng Maynila bilang tulong sa mga frontliners hanggang noong alisin ang umiiral na enhanced community quarantine (ecq).

Sinabi ni Moreno na tiniyak sa kanya ni Vice Mayor Honey Lacuna, ang pagpasa ng ordinansa para sa pagkakaloob ng tax credit sa mga nabanggit na hotels, inn, apartelle at lodging house sa lalong madaling panahon.

Sa sandaling aprubahan ng konseho ang ordinansa, kaagad umano itong lalagdaan ni Moreno para maging batas.

Ayon kay Business permits and licenses office chief Levy Facundo, may 19 na establisimiyento ang tumulong para pansamantalang patuluyin ang mga frontliner. Hindi pa naman umano kasama ang mga dormitory na kasalukuyan pang binibilang.

Samantala, inatasan ni Moreno si city administrator Felix Espiritu na ipamahagi na ang mga non-contact handwashing basins sa mga pampublikong palengke sa Maynila.

Hinikayat ni Moreno ang mga mamimili na maghugas ng kanilang kamay bago at matapos na mamili sa mga palengke.

Nanawagan si Moreno sa publiko na striktong obserbahan ang protocols laban sa COVID-19 sa pamamagitan ng pagsusuot ng facemask, paghuhugas ng kamay at pagsunod sa social distancing.



Source: Abante (http://tnt.abante.com.ph/p100k-tax-credit-ibibigay-ni-isko-sa-mga-hotel-inn-apartelles-at-lodging-house-na-tumulong-sa-frontliners/)

Walang komento