Recent Posts

Breaking News

Opisyal, kawani ng Manila City Hall pinuri ni Isko

Pinuri ni Manila Mayor Francisco ‘Isko Moreno’ Domagoso ang mga opisyal at kawani ng Manila City Hall na naging katuwang niya sa pagbibigay ng tunay na serbisyo sa mamamayan ng Maynila.

Sanhi nito, sinabi ni Moreno na itinuturing niya na napakapalad niya dahil napapaligiran siya ng mga opisyal at kawani na tulad niya na ang adhikain ay makapagbigay ng tunay na serbisyo sa Manilenyo.

Ayon kay Moreno, ang lungsod at ang mamamayan nito ay ‘gaining much through the consistent and persistent actions of everyone‘ na gawing maaliwalas ulit ang lugar ng kanilang kapanganakan kung saan tinaguyod nila ang kanilang sarili at mga mahal sa buhay.

Espesyal na pinasalamatan ni Moreno ang mga health frontliner na mahusay na tumutugon sa kanilang tungkulin na tulungan ang pamahalaan sa pakikipaglaban sa COVID-19 pandemic.

Binanggit ni Moreno na napakabigat sa kanyang dibdib na kailangang gawin niya ang kanyang trabaho para utusan ang isang kawani na gawin ang trabahong may kaakibat na panganib tulad ng mga health worker.

Sinabi ni Moreno na ang tanging magagawa lamang aniya ng alkalde para mapagaan ang trabaho ng mga medical worker na ito ay kumuha pa ng karagdagang nurses at doctors upang hindi sila masobrahan ng trabaho tulad ng dating administrasyon kung saan kailangan nilang magtrabaho ng hanggang dalawa o tatlong shift upang mapunuan ang kakulangan sa medical staff.



Source: Abante (http://tnt.abante.com.ph/opisyal-kawani-ng-manila-city-hall-pinuri-ni-isko/)

Walang komento