Recent Posts

Breaking News

Napakalaking yupi! Bangka nabangga ng Chinese ship, 14 Pinoy nawawala

Hinahanap ngayon ng mga awtoridad ang 14 Pinoy na sakay ng isang fishing vessel, na nabangga ng isang Chinese cargo vessel sa Occidental Mindoro kahapon.

Tinukoy ni PCG spokesperson Commodore Arman Balilo sa Rappler ang cargo ship na MV Vienna Wood, na rehistrado sa Hong Kong, isang special administrative region ng China.

Tumama ang Vienna Wood sa F/V Liberty Singko at iniwan itong nakalutang bandang ala-una ng madaling-araw noong Linggo, ayon kay Irma Fishing and Trading general manager Fermin Soto sa DZRH.

Nagsimula silang hanapin ang bangka matapos bigo itong mag-ulat sa kanila bandang alas-siyete ng umaga.

Naispatan ang nakataob na lancha bandang alas-10 ng umaga ngunit ‘di namataan ang 12 crew at 2 pang empleyado na sakay ng fishing vessel.

Samantala, nakontak ng PCG ang Vienna Wood bandang hapon ngunit ayon kay Soto ay “hindi magkaintindihan kasi slang ‘yung salita.” Sa dulo, sinabi ng dayuhang barko na ‘di nila alam ang tungkol sa tinutukoy na bangka.

“Napakalinaw, butas ang kanilang unahan, ‘yung tama base sa report ng coast guard, ‘yung tama sa kaliwa napakalaking yupi. Hindi ako sure [kung intentional], nandyan na ang aksidente hindi pa natin masabi kung intentional,” ani Soto sa DZRH.

Tinigil ang paghahanap bandang 5:30 ng hapon dahil padilim na. Wika ng PCG Southern Tagalog sa Rappler, itutuloy ito ngayong umaga.



Source: Abante (http://tnt.abante.com.ph/napakalaking-yupi-bangka-nabangga-ng-chinese-ship-14-pinoy-nawawala/)

Walang komento