Recent Posts

Breaking News

Naglalaway sa pondo! Mga kurakot gustong pasukin DOH – Gordon

Marami umano ang may interes na makapasok sa Department of Health sa ngayon dahil sa limpak na pondong nasa ahensya bilang panlaban sa COVID-19 pandemic.

“Marami talagang gustong makapasok diyan dahil marami kasing perang nakalaan diyan,” ayon kay Senador Richard Gordon sa dzBB.

Nababalot sa kontrobersya ang DOH, na isa sa naging dahilan kung bakit nagsasagawa ng imbestigasyon ang Ombudsman dahil sa ilang iregularidad sa ahensya, kasama sa mga tinitingnan ay si Health Secretary Francisco Duque III.

Ngunit ayon kay Gordon, hindi tama na biglaang magpalit ng liderato ang DOH dahil masisira lamang ang mga programa nito.

“Ang suggestion ko i-overhaul at ikuha muna ng talagang mag-aaral kung bakit ganiyan sapagkat kung palit ka nang palit, wala talagang continuity at ang mangyayari siraan nang siraan,” ayon pa sa mambabatas.

Ngunit aniya, hindi naman niya kinakampihan si Duque ngunit napapansin nitong marami ang nag-aasam sa posisyon nito bilang Health secretary.

“Di ako kumakampi kay Secretary Duque, ‘di ko kinakausap si Secretary Duque tungkol sa isyu na ito… pero sa nakikita ko talaga, sa experience ko sa gobyerno, matagal na rin, nakikita ko talagang maraming aali-aligid diyan at kapag nagkaroon ng pagkataon, naku naglalaway ‘yan,” giit ni Gordon.



Source: Abante (http://tnt.abante.com.ph/naglalaway-sa-pondo-mga-kurakot-gustong-pasukin-doh-gordon/)

Walang komento