Recent Posts

Breaking News

Mga tsuper nagbantang susunugin mga jeep: ‘Wag kayong manakot! – Palasyo

Hindi kailangang manakot para mapagbigyan ang mga tsuper ng jeep na makabalik sa pamamasada.

Ito ang tugon ng Malacañang sa banta ng jeepney driver na manununog sila ng jeeps kapag hindi sila pinayagang makapamasada sa susunod na linggo.

Sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque na hindi sinisikil ang karapatan ng mga tsuper na mag-rally pero hindi kailangang manakot ang mga ito.

“Hindi namin tinatanggal ang kalayaan ng mga tsuper na magpahayag. Maaari tayong magpahayag ng hindi nananakot,”ani Roque.

Itinanggi rin ng kalihim na ginagamit ng gobyerno ang COVID-19 pandemic para tuluyang maipatupad ang phase out ng mga pampasaherong jeep kapalit ng jeepney modernization.

Wala aniyang nakakaalam na magkakaroon ng COVID pandemic, at katunayan ay 2016 pa nang pirmahan ang omnibus franchise guidelines para sa jeepney modernization .

Binigyan aniya ng tatlong taong palugit ang mga tsuper ng jeep para gawin ang transition period na matatapos hanggang sa buwan ng Disyembre.

“Wala pong katotohanan na tinatapatan namin ang isyu ng phase out sa jeepney modernization sa gitna ng COVID pandemic. Wala ngang nakakita sa kanilang crystal ball na magkakaroon tayo ng ganitong pandemya,” dagdag ni Roque.



Source: Abante (http://tnt.abante.com.ph/mga-tsuper-nagbantang-susunugin-mga-jeep-wag-kayong-manakot-palasyo/)

Walang komento