Recent Posts

Breaking News

Mga Cebuano, titigas ng ulo n’yo! – Duterte

Hindi naitago ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pagkadismaya sa papataas na bilang ng COVID-19 cases sa Cebu City.

Sa kanyang mensahe sa bayan nitong Lunes ng gabi, pinuna ng Pangulo ang umano’y makupad na pagkilos ng mga Cebuano sa mga pinatutupad na hakbang para mapigilan ang lalo pang pagkalat ng virus sa lungsod.

Dahil dito, pupunta aniya siya sa Cebu para lang sabihin nang harapan ang umano’y pagiging pasaway at umano’y pagiging matigas ang ulo ng mga ito.

“Kayong mga Cebuano, huwag sana kayong magalit sa akin. Prangka lang tayo, pupunta ako diyan sa inyo. Paprangkahin ko kayo pagdating ko. Ang titigas ng ulo ninyo,” sambit ni Duterte sa wikang Bisaya.

Batay sa report ng Department of Health (DOH), nakapagtala ang Cebu City ng 3,733 COVID cases.

Sinabi ng Presidente na kaya mataas ang kaso ng COVID-19 sa Cebu ay sa binalewala umano ng mga mamamayan ang pinatutupad na security protocols ng gobyerno.

Batay umano sa report ng mga sundalo na nakarating sa Pangulo, kahit dapat ay nasa bahay lang ang mga tao ay binalewala umano ang enhanced community quarantine at panay daw ang pasyal ng mga ito.

“Ang report sa akin ng military, sa Talisay, parang nasa palengke lang araw-araw, pasyal nang pasyal. Lahat dapat nasa bahay, [pero] kayo diyan sa Cebu, nagmo-motor pa,” ani Duterte.

Kailangan aniyang may mangasiwa sa sitwasyon sa Cebu City dahil nagtuturuan ang mga tao at nagsisisihan.

“In Cebu, people are pointing fingers at each other. There are people who cast blame, people who disagree, people who are jealous. I’m just sad that Cebu has to undergo that kind of painful situation now,” wika pa ng Pangulo.



Source: Abante (http://tnt.abante.com.ph/mga-cebuano-titigas-ng-ulo-nyo-duterte/)

Walang komento