Recent Posts

Breaking News

Medical reserve corps buuin – Marcos

Kailangan magbuo ang pamahalaan ng medical reserve corps para sa mga healthcare worker, bago pa sila tuluyang sumuko bunsod ng patuloy na pagtaas na bilang ng kaso ng COVID-19 sa Metro Manila, Cebu at Southern Mindanao.

Sabi ni Senadora Imee Marcos, kumplikado ang laban ng bansa kontra sa pandemya dahil maaaring lumala ang bagsik ng virus at sumabay pa ang posibilidad ng epidemya ng dengue at leptospirosis sa pagpasok ng panahon ng tag-ulan.

“Huwag na tayong maghintay pa na magkaroon ng panibagong epidemya at pandemya na dadagdag lang sa stress ng ating mga medical frontliners; may limitasyon din sila. Ang kaligtasan nila ay kaligtasan din natin,” lahad ni Marcos.

Hindi aniya siya bilib sa Department of Health dahil hindi sapat ang mga datos na nilalabas nito, partikular sa kung naaabot ng mga ospital ang maximum capacity ng mga ito at kung ang mga testing center ay may sapat na kuwalipikadong tauhan para makapagsagawa ng testing para sa 50,000 katao kada araw sa katapusan ng Hunyo.

“Wala tayong panahong makipaglaro ng hulaan sa tunay na kasalukuyang kapasidad ng mga ospital at testing centers. Bigo tayong maabot ang target na 30,000 katao kada araw nitong Mayo, napako na lang tayo sa 10,000 hanggang 15,000 bawat araw,” ayon sa mambabatas.

Dahil dito, tinutulak ni Marcos ang pagbuo ng medical reserve corps sa ilalim ng Senate Bill 1592 upang mas makapaghanda ang bansa sa anumang health emergency.

Kabilang sa ituturing na medical reserve corps ang mga volunteer health care provider, indibidwal man o institusyon, na sasanayin ng gobyerno at maaaring ipatawag anumang oras sakaling may health emergency at bibigyan ng sapat na sweldo.

Sa ilalim ng panukala, magkakaroon din ng database para sa mga recruit na ia-update kada 3 buwan ng Department of Health, Professional Regulatory Commission at ng Commission on Higher Education.

“Kailangan din ang koordinasyon sa mga lokal na pamahalaan dahil sila ang magtatalaga ng mga quarantine area at maglalagay ng sapat na mga tauhan,” ayon pa sa senador.



Source: Abante (http://tnt.abante.com.ph/medical-reserve-corps-buuin-marcos/)

Walang komento