Recent Posts

Breaking News

LTFRB: Walang dagdag-singil sa pamasahe

Walang magaganap na pagtaas sa singil sa pasahe ng lahat ng mga pampublikong sasakyan.

Ito ang inihayag ni Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) Chairman Martin Delgra nang buksan ang ilang ruta ng jeep at UV Express sa Metro Manila at ilang lugar sa bansa.

Makakaasa aniya ang milyon-milyong commuter na hindi madadagdagan ang kanilang kalbaryo dahil hindi papayagang makapagtaas ng pasahe ang lahat ng pampublikong sasakyan na pinayagan nang makabiyahe ng gobyerno matapos ang community quarantine.

“We will not increase any fare of whatever modes, whether it be bus, PUV, PUJ, even taxi and TNVS,” aniya.

Sinabi ng opisyal na matagal hindi nakabalik sa trabaho ang maraming commuters at wala silang balak na dagdagan ang sakripisyo ng mga ito sa pamamagitan ng dagdag-pasahe.

“Milyon-milyong mananakay ang matagal na hindi nakabalik sa trabaho at mahirap naman na pagpasok nila ay magkaroon sila ng dagdag-pasanin sa pamasahe.”

Tiniyak naman ng LTFRB Chairman na tutulungan ang mga PUV operator sa pamamagitan ng fuel subsidy para makatulong lalo na at limitado ang magiging pasahero ng mga ito dahil sa social distancing.

“Yung DOTr ay gumagawa ng mga hakbang para matulungan ang public utility vehicle operators sa pamamagitan ng ayuda para sa kanila. There has already been program for fuel subsidy for buses, PUJs as well as UV express,” wika pa ni Delgra.

Sisikapin aniya nilang maipatupad ito sa lalong madaling panahon para matulungan ang mga tumatakbong pampublikong sasakyan na ilang-buwang tigil-pasada dahil sa COVID-19 quarantine ng gobyerno.



Source: Abante (http://tnt.abante.com.ph/ltfrb-walang-dagdag-singil-sa-pamasahe/)

Walang komento