Recent Posts

Breaking News

Habang ‘di pa malinaw computation, Meralco awat muna sa paniningil – Gatchalian

Kailangang itigil muna ng Manila Electric Company o Meralco ang paniningil hangga’t wala pang malinaw na paliwanag hinggil sa nakakagulat na billing nito noong mga nagdaang buwan.

Ito ang panawagan ni Senador Sherwin Gatchalian, dahil nangako naman aniya ang Meralco sa pagdinig sa Senado na hindi sila maniningil hangga’t hindi pa sila nakakapaglabas ng malinaw na eksplanasyon hinggil sa kanilang billing.

“’Yun naman po ang usapan natin last hearing: ‘di muna sila maniningil hanggat’ ‘di sila maglalabas ng sulat na ipapaliwanag ang kanilang paniningil,” ani Gatchalian sa panayam sa DZBB.

“Yung computation, ‘yung simpleng paliwanag, ‘wag naman scientist ang magpapaliwanag—’di natin maiintindihan ‘yun. May formula pa [na] kahit kami, ‘di namin maintindihan. Usapan, ‘wag muna maningil dahil paano magbabayad kung ‘di maintindihan ang babayaran?” usisa pa niya.

Ayon pa kay Gatchalian, chairman ng Senate committee on energy, kailangan ding tiyakin ng Meralco na magkakaroon ng pagputol sa kuryente hangga’t hindi nila nalilinaw mabuti ang napakataas na singil batay sa nakasaad sa monthly bill ng kanilang mga customer.

“Correct (dapat walang putol). Pwede naman magpaliwanag dahil may radyo, telebisyon at nakita ko ang Meralco, ‘pag gusto nila magpaliwanag, nagpapaliwanag naman,” sabi pa ng senador.

Maging siya umano ay na-shock sa kanyang monthly dahil nagtriple umano ang kanyang bayarin.

“Talagang nagulat, nagkaroon din ako ng bill shock dahil yung bill ko sumipa nung June more than three times of the amount,” anang senador.

Bagama’t may paliwanag aniya ang Meralco sa kanilang website, mahirap umano itong intindihin.

Kung hindi aniya magpapaliwanag ang Meralco, muling nila itong ipapatawag sa isa pang pagdinig sa Senado.

“Talagang napakahirap intindihin kaya nasabi ko rin na gagawa kami ng sulat para ipaalam sa Meralco na hindi kami satisfied at ‘di tayo natutuwa sa knailang pagbibigay ng unawa at eksplanasyon sa bill sa June,” ayon sa senador.

“Ang nangyari, sa month of May, naulit sa June. Hintayin natin reply at kung ‘di tayo satisfied, magkakaroon tayo ng pagdinig. I-invite natin ang ERC (Energy Regulatory Commission),” sambit pa niya.



Source: Abante (http://tnt.abante.com.ph/habang-di-pa-malinaw-computation-meralco-awat-muna-sa-paniningil-gatchalian/)

Walang komento