Recent Posts

Breaking News

Bonggang hotel reservation sa team ni Cimatu, pinuna

Pinuna ng isang netizen ang umano’y napakaraming hotel reservation sa Seda hotel ng tropa ni Department of Environment and Natural Resources Roy Cimatu matapos na atasan ni Pangulong Rodrigo Duterte na tumulong sa pagsugpo ng COVID-19 pandemic sa Cebu City.

“70 rooms reserved at Seda Hotel for Cimatu’s team. Cheapest room is 5k. That’s P350,000 a day, for 1 week P2.240 milyon vost of accomodation. You still have to factor in food and transportation. How many PPE’s and test kits can buy. How many sack of rice can by that? Is this hiw you rid your self of blame? Is it how you save life,” bahagi ng tweet ng netizen na si Imelda Nicolas.

Ang nabanggit na Twitter post ni Nicolas ay kaagad na kinontra ni DENR Usec Benny Antiporda.

“Fake news yan Miss Imelda Nicolas, for your info, isang aide lang ang kasama ni Sec. Cimatu sa Cebu,” ayon kay Antiporda.

Hinamon pa ni Antiporda si Nicolas na mag-fact check din ito kapag may oras siya.

Inakusahan naman ng isang netizen na gawa lamang ito ng ‘dilawan’ na naghahanap ng maipupukol sa administrasyon Duterte.

Nalaman na si Cimatu at ang kanyang team ay dumating sa Cebu noong Martes para pangasiwaan ang paglaban sa COVID-19.

Kasama ni Cimatu ang ibang Cabinet secretaries mula sa Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases: Presidential Peace Adviser Secretary Carlito Galvez, na hepe rin ng National Task Force on COVID-19 response, Interior Secretary Eduardo Año, Health Secretary Francisco Duque at ang Presidential Assistant for the Visayas Secretary Michael Dino.

Mayroon na umamong 12 barangay ang inilagay ni Cimatu sa striktong lockdown.

Pinapunta na rin sa Cebu ang may 160 PNP Special Action Force at may 200 police officer na tutulong sa mga awtoridad sa pagbabantay sa ipinatupad na lockdown.

Nabatid na tututukan nila ang Cebu City na kasalukuyang nasa enhanced community quarantine dahil sa mataas na kaso ng COVID-19.

Sa ngayon, nangunguna ang Cebu City sa mga lugar sa bansa na may pinakaraming kaso ng COVID-19. Ayon sa datos ng Department of Health, nasa 3,987 kaso na ng coronavirus ang naitala sa siyudad pa lamang.

Nagpapasalamat naman sina Cebu City Mayor Edgardo Labella at Cebu Governor Gwendolyn Garcia sa pagtatalaga kay Cimatu na tutulong sa pagsugpo sa COVID-19 sa Cebu.

Ibinalik ang Cebu City sa enhanced community quarantine, ang pinakamahigpit na lebel ng quarantine noong Hunyo 16 matapos ang 2 linggong general quarantine sa lugar dahil sa patuloy na pagdami ng mga kaso ng COVID-19. Ang Talisay City naman sa lalawigan ng Cebu rin ay nasa modified ECQ.



Source: Abante (http://tnt.abante.com.ph/bonggang-hotel-reservation-sa-team-ni-cimatu-pinuna/)

Walang komento