Recent Posts

Breaking News

Bawas tuition ngayong school year, ilalapit sa IATF

Isasangguni ni Presidential Spokesman Harry Roque sa pulong ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases ang hirit ng mga magulang na bawasan ang singil sa tuition fee ngayong pasukan lalo na sa mga pribadong paaralan.

Bunsod na rin ito ng bagong sistema sa pagtuturo kung saan wala munang face-to-face class hanggang walang natutuklasang bakuna laban sa COVID-19.

Sinabi ni Roque na magpupulong ngayong Lunes ang IATF kaya siya na mismo ang magpaparating sa kahilingan ng mga magulang.

Nag-text aniya ang mga magulang sa kanya na kung maaari ay bawasan ang tuition fee dahil hindi na gagamit ng airconditioning unit sa classroom , pati na ang laboratory fees dahil wala namang papasok pa sa mga paaralan.

“Ako na po ang personal na maglalabas nito sa meeting ng IATF. May mga magulang po talaga na nagtext sa akin, lalo na yung sa higher education institutes na walang face-to-face, o mga pribadong paaralan na walang face-to-face. Ang laking savings lalo na yung airconditioned classes na hindi na gagamitin, dapat may corresponding bawas sa singil,” ani Roque.

Isasangguni rin aniya nito ang concerns ng mga magulang sa Department of Education (DepEd) at Commission on Higher Education (CHED) bakasakaling mabawasan ang bayarin sa matrikula ng mga estudyante.

“Ilalabas ko po yan sa IATF at isasangguni ko rin sa DepEd at CHED,” dagdag ni Roque.

Matatandaang mismong si Pangulong Rodrigo Duterte ay nagtanong na rin kung bakit halos kakarampot lamang ang ibinawas sa tutition fee ngayong schoolyear subalit walang direktang sagot si DepEd Secretary Leonor Briones.



Source: Abante (http://tnt.abante.com.ph/bawas-tuition-ngayong-school-year-ilalapit-sa-iatf/)

Walang komento