Recent Posts

Breaking News

Basaan sa San Juan, bawal muna

Hindi gagawin ngayong taon ang tradisyunal na ‘basaan’ sa San Juan City bilang parte ng pagdiriwang ng Wattah Wattah Festival na idaraos sa June 24.

Sa Facebook post ni San Juan City Mayor Francis Zamora, hindi na muna papahintulutan ang basaan alinsunod na rin sa health standard na nilatag ng national government para maiwasan ang pagkalat ng COVID-19.

“Alinsunod na rin sa Executive Order No. 42, Series of 2020 na aking nilagdaan, pansamantalang ipinagbabawal po muna ang nakasanayan nating basaan para maiwasan ang panganib na dala ng hawaan dahil sa tubig at sa pagkukumpulan ng mga tao sa kalye tuwing nagbabasaan,” ayon kay Zamora.

Ngunit hindi ibig sabihin nito ay kanselado na rin ang pagdiriwang ng pista sa San Juan.

Kapalit ng basaan ay ang ‘Basbasan sa Makabagong San Juan’ kung saan iiikot pa rin ang imahe ni St. John the Baptist habang winiwisikan ang mga residente ng holy water.

“Basbasan po ang magaganap gamit ang banal na tubig na magmumula sa mga pari na siyang mas mahalaga at mas makahulugan,” saad ng alkalde.

Magsisimula ang pagparada ng imahe mula sa city hall, at iiikot sa mga kalye ng San Juan.

Samantala, inabisuhan naman ang mga residente na manatili na lang sa kanilang mga tahanan para sa parada, at magkakaroon din ng misa na ipapalabas sa Facebook page ng San Juan City, Philippines.



Source: Abante (http://tnt.abante.com.ph/basaan-sa-san-juan-bawal-muna/)

Walang komento