Recent Posts

Breaking News

2 barangay official na nag-iinuman, pinagbabaril

Patay ang dalawang opisyal ng barangay matapos na pagbabarilin ang mga ito ng hindi pa kilalang mga armadong lalaki habang nag-iinuman, Miyerkules ng gabi sa bayan ng Jovellar, Albay.

Dead on the spot dahil sa tinamong mga tama ng bala sa katawan ang mga biktimang nakilalang sina Barangay San Isidro kagawad Jose Arthur Clemente, 41, at barangay treasurer Edel Brando Moina, 57-anyos.

Sa inisyal na ulat na ipinadala ni Police Major Ma. Luisa Calubaquib, tagapagsalita ng Police Regional Office (PRO) 5, naganap ang insidente dakong 6:50 ng gabi habang nag-iinuman ang mga biktima kasama ang ilan pang mga opisyal ng barangay sa bahay ng isang Sonny Medravillo.

Bigla na lang dumating ang mga suspek na armado ng baril at pinagbabaril ang mga bitkima. Matapos masigurong patay na ang mga target ay mabilis ding nagsitakas ang mga suspek patungo sa kabilang barangay.

Ang pangyayari ay huli ng naiulat ni Barangay San Isidro Chairman Ernesto Niebres sa pulisya, dakong 11:45 na naiulat sa Jovellar Municipal Police Station (MPS) ang pangyayari kaya hindi na nakaresponde pa ang awtoridad sa lugar ng pinangyarihan.

Sa ngayon ay patuloy ang imbestigasyon ng pulisya upang mabatid ang grupong responsable sa pamamaslang sa dalawang barangay official at kung ano ang motibo ng mga ito.



Source: Abante (http://tnt.abante.com.ph/2-barangay-official-na-nag-iinuman-pinagbabaril/)

Walang komento