Recent Posts

Breaking News

14K sample kada araw: Pinakamalaking COVID test lab sa ‘Pinas binuksan

Gumagana na ang molecular laboratory ng Philippine Red Cross na kaya umanong magproseso ng hanggang 14,000 sample bawat araw.

Pormal itong binuksan noong Sabado at nakapuwesto sa dating headquarters ng Red Cross sa Port Area, Manila. Bukas ito buong araw at ang pinakamalaking test lab sa ‘Pinas sa ngayon.

Samantala, ito ang ikatlong lab ng Red Cross sa ngayon.

Ang nasabing lab ay may pitong RNA extractor machines (para sa coronavirus strand ribonucleic acid) at 14 polymerase chain reaction (PCR) machines na tinuturing na gold standard sa COVID-19 testing.

Sa isang panayam, sinabi ni Sen. Richard Gordon na siyang chair-CEO ng Red Cross na target nilang mai-test ang 1.7 milyong katao sa Metro Manila, o 13 percent ng kabuuang populasyon ng rehiyon na 12.9 milyon.

Binanggit niya ang mungkahi ng World Health Organization na dapat mai-test ng mga bansa ang 13 percent ng kanilang populasyon. Ibig sabihin, dapat i-test ng Pilipinas ang 14 milyon sa halos 110 milyon nitong mamamayan.

Ngunit batay sa pahayag ng pambansang gobyerno, layon lang nilang i-test ang 1 percent ng populasyon sa katapusan ng Hulyo.

As of June 26, sa datos ng Department of Health, 622,549 indibidwal na sa bansa ang na-test para sa coronavirus.

Sa parehong datos, nakasaad na mula 12,000 hanggang 14,000 test ang ginagawa kada araw–malayo sa 30,000 na target ng DOH.

Ayon kay Gordon, ang Research Institute of Tropical Medicine (RITM) sa Muntinlupa ang pangalawang pinakamalaking laboratory sa bansa. Meron itong daily testing capacity na 3,800, pero ayon sa senador ay 800 katao lang ang tine-test nito araw-araw.

Pinunto niya rin na automated ang mga machine ng Red Cross, kumpara sa PCR machines ng RITM.

Ayon sa DOH, meron nang kabuuang 63 testing laboratory sa bansa.



Source: Abante (http://tnt.abante.com.ph/14k-sample-kada-araw-pinakamalaking-covid-test-lab-sa-pinas-binuksan/)

Walang komento