Recent Posts

Breaking News

100 face mask maker kailangan sa Maynila

Nangangailangan ng 100 face mask maker ang lungsod ng Maynila bilang bahagi ng alternatibong trabaho na binuksan ni Manila Mayor Francisco Isko Moreno Domagoso sa mga nawalan ng trabaho na Manilenyo dahil sa epekto ng ipinatupad na community quarantine.

Ang naturang manggagawa ay kailangan para sa mass production ng face masks kung saan target na makatahi ng milyon-milyon na washable face mask.

Ang mga washable face mask ay ibibigay ng libre sa may 670,000 na inisyuhan ng quarantine pass at sa miyembro ng kanilang pamilya.

Nabatid na inatasan ni Fernan Bermejo, chief ng public employment service office (PESO), na simulan na ang hiring processes at para maging kuwalipikado kinakailangan na taga-Maynila na marunong magtabas o manahi.

Ang lokal na pamahalaan umano ang magkakaloob ng mga kakailanganin na materyales at budget na hindi kukunin sa pondo ng Lungsod kundi mula sa pumasok na cash donations mula sa mga donors sa bansa at abroad na gustong tumulong sa paglaban sa COVID-19.

Ayon kay Moreno, nakabili na sila ng 50 sewing machine at sa pamamagitan ng koordinasyon kay Universidad de Manila president Malou Tyquia, nailagay ang mga makina sa limang classrooms.

Ang pagbabayad sa mga workers ay base sa produksiyon na kanilang nagawa at kapag ang isang worker ay nakagawa na, katumbas ng isang buwan suweldo ng isang ordinaryong manggagawa ang kanyang slot ay ibibigay naman niya sa iba.

Ginaya umano ni Moreno ang naturang inisyatiba sa Czechoslovakia na nagsagawa ng pag-aaral para mapababa ang kaso ng COVID-19.

Sa kasalukuyan, ang isang ordinaryong face mask ay nagkakahalaga ng P25-P35 kada isa habang ang N95 mask ay nasa minimum na P100.



Source: Abante (http://tnt.abante.com.ph/100-face-mask-maker-kailangan-sa-maynila/)

Walang komento