Recent Posts

Breaking News

Mga tanod sa Valenzuela City naninita ng walang suot na mask kahit nasa loob ng bahay

Umaangal ang isang mister sa ilang mga barangay tanod sa Valenzuela City dahil sa tangkang pag-aresto sa kanya sa hindi pagsusuot ng face mask, kahit pa siya ay nasa loob ng bahay.

Kwento ni Raffy Radaza, 23, ng No. 5154 San Gregorio Street, Barangay Gen. T. De Leon ng lungsod, dakong 9:50 ng gabi, abala siya sa pagsi-cellphone sa loob ng kanilang bahay, saan bukas ang pintuan dahil sa init ng panahon.

Makalipas ang ilang sandali, dumating ang mga barangay tanod ni PB Alfren Caina, kung saan naka-motorsiklo ang isa at ang kasamahan nitong si Kane Cabrera ay naglalakad lang.

“Sinita po ako nung kasamahan ni Kane na naka-motorsiklo at pinalalabas ako ng bahay kasi wala daw akong suot na face mask. Hindi po ako lumabas kasi alam ko nasa katwiran ako dahil hindi naman ako nakatambay sa labas eh,” sabi ni Radaza.

Nagalit daw sa kanya ang tanod at nag-radyo sa mga kasamahan nito para bitbitin si Radaza sa barangay hall at nahinto lamang sina Cabrera sa paghuli sa kanya naang kunan sila ng video ng misis niyang si Mitz.

“Sabi po ng mga barangay tanod kailangan daw nilang kumota kasi konti pa lang daw ang kanilang nahuhuli,” dagdag pa niya.

Ang ipinagtataka ni Radaza balik trabaho na si Cabrera, gayung ipinakulong ito nina Mayor Gatchalian at PB Caina matapos daw manloko para makakuha ng social amelioration program ng DSWD.



Source: Abante (http://tnt.abante.com.ph/mga-tanod-sa-valenzuela-city-naninita-ng-walang-suot-na-mask-kahit-nasa-loob-ng-bahay/)

Walang komento